Walang tigil sa paghatak ang aninong subsob na palikyad likyad na tumatalunton sa mga pilapil. Baku-bako ang lupang tinatapakan ng mga paang nangangatog sa paghakbang. Mula sa kunot na nuo ay utay-utay na umanod ang ganggabutil na pawis. Lakad-takbo ang kanyang ginawa habang tinitiis ang pagkangalay ng mga kamay na bumibitbit sa konting butil ng bigas at ilang gamot. Kailangang makipaghabulan siya sa oras, ang bawat sandali'y mahalaga para sa kanya. Nag-uumagting ang kanyang kalamnan habang nakikipaghabulan sa papalubog na araw.
Marahil ay ganoon din ang nararamdaman ng kuya Lito niya noon. May bahid ng ngiti ang mga salitang binitiwan ng kanyang kuya Lito isang hapon noon habang kausap nito ang kanilang ama na nakaratay sa kamang yari sa kawayan. "Kaunting panahon na lamang at hindi na tayo magdaranas ng paglulukot ng tiyan at muling manunumbalik ang iyong lakas, Itay." May namuong pigtal ng hilam na luha sa magkabilang pisngi " ng kanyang ama. "Sana nga anak, harinawa nga."
Isang araw pa bago mag-anihan. Ilang sandali'y narinig nila ang mga yabag ng papalapit na mga paa na aali-aligid sa kanilang kubo."Huwag kayong lalabas, ako ang bahala” ang sabing may pag-uutos. "Pinalalayas na kayo ni Don Miguel, tapos na ang inyong palabas. " Nakita niya ang pananalim ng mata ng kanyang kuya. "Hindi kami makapapayag, ang lupang ito ay sa amin, minana pa ng aking ama sa aming mga ninuno. Hindi kami aalis dito, magkakamatayan na tayo". Narinig niya ang mga kasa ng baril habang hinuhugot ng kanyang kuya Lito ang matalim na tabak. Umalingawngaw ang nakatutulig na mga putok, at sinundan ng iba pa.
Tatlong araw na ang nakararaan matapos tabunan ng lupang putikan ang bangkay ng kanyang kapatid ay hindi pa rin mahugot ang nasa itaas habang silang nasa ibaba ay dumaraing. Ang ama ang tinik sa naglalatang niyang dibdib. Alam niyang humahalakhak niya ay lalong naratay sa sakit bunga ng tinamong kasawian ng kanyang kuya Lito.
Walang pakundangan niyang itinulak ang pinto. Naudlot siya sa kanyang nakita, ang kahabag-habag niyang ama. "Anak, hindi na ako magtatagal. Simulang pagkabata ay hinangad namin ng iyong ina ang magandang kinabukasan ninyong magkapatid subalit ipinagkait ng tadhana sa atin. Wala tayong salapi at ang tanging maipamamana namin ay ang natitirang kapirasong lupang ito." "Huwag ka sanang mawawalan ng pag-asa, alalahanin mong ang tao ay nabubuhay sa daigdig ng pakikibaka. Ang gabi'y hindi mananatiling madilim sapagkat ito ay may kinabukasan, at pagbubukang liwayway, magiging maliwanag ang kapaligiran." Kasabay ng panghihinang yaon ay may ibinulong pa ang kanyang ama bago malagutan ng hininga.
Kinabukasan ay di maalis ang pagkakapako ng kanyang paningin sa gilid ng kanilang kubo na kinaroroonan ng lumang araro. Sasapit din ang panahong siya'y magiging isang ama. Pumailanlang sa kanyang balintataw ang mga katagang ibinulong sa kanya ng ama hanggang sa huling sandali. "Anak, lagi mong tatandaan na ang nabubuhay ng walang pagtitiis sa daigdig at nagpapagapi sa maling daloy ng takbo ng panahon ay tulad sa isang lupang nakatiwangwang at walang pataba, tubuan man ng halaman, ang dahon ay nalalanta at kung mapilitan namang mamulaklak ay naluluoy ang bunga at bumabagsak sa lupa." Pinagdaop niya ang kanyang palad at mukha'y bahagyang itiningala sa langit, umusal ng kaunting dalangin. Saglit lamang iyon at humakbang ang kanyang mga paa, tanging siya lamang ang nakababatid kung saan talaga siya pupunta.
Vytvořeno přes 40 milionů storyboardů
K Vyzkoušení Není Potřeba Žádné Stahování, Žádná Kreditní Karta a Žádné Přihlášení!