Noong unang panahon, sa bayan ng Dumangas ay may isang matandang mangingisda na naninirahan kaharap sa baybaying dagat kasama ang kanyang pitong anak na dalaga. Masayang naninirahan doon ang mga dalaga at sila ay kilala sa kanilang lugar dahil sa kanilang angking kagandahan. Ngunit ang hiling sa sarili ng ama ay sana doon sa lugar nila sila makakuha ng magiging asawa upang di sila mapalayo sa kanya.
Isang araw ay may isang pangkat ng kalalakihan na mangangalakal, sakay ng magarang bangka ang dumayo sa kanilang lugar. Pakay din nila ang makilala ang mga dalaga kaya’t nagdala sila ng mamahaling regalo. Madaling nahulog ang loob ng pitong dalaga sa pitong binata at pumayag sila agad sa paanyaya ng mga ito na pumunta sa kanilang bayan.
Hindi naging madali ang paghingi ng pahintulot ng mga dalaga sa kanilang ama upang payagan silang magtungo sa bayan ng mga binata. Ito ay sa dahilang, nag-aalala ang kanilang ama dahil hindi pa nila lubusang nakikilala ang mga kalalakihan. Matigas na pagtutol ang ginawa ng tatay kahit nagsusumamo ang mga anak na dalaga.
Isang araw habang nangingisda ang ama, nagdesisyon ang mga dalaga na suwayin ang kanilang ama at sumama sa mga binata. Bitbit ang kanilang gamit, sumakay sila sa mga bangkang dala ng mga binata upang pumunta sa bayan ng mga ito.
Habang nasa baybayin na sila ng Guimaras ay natanaw ng amang mangingisda ang mga bangka sakay ang kanyang mga anak. Hinabol niya ito ngunit dahil maliit lang ang kanyang bangka kumpara sa magarang bangka ng mga binata ay hindi nya ito nahabol.Sumisigaw na nagmamakaawa ang ama sa kanyang mga anak na bumalik at at wag ng umalis ngunit hindi sya pinakinggan ng mga ito at patuloy ang paglayo ng sinasakyan nilang bangka.
Umuwi ng bahay ang ama ng labis ang kalungkutan. Walang tigil ang kanyang pagluha sa pag-alis ng kaniyang mga anak, kasabay ng pagpatak ng kanyang luha ang pagpatak ng malakas na ulan. Kaya’t labis ang kaniyang pag-aalala sa kalagayan at kaligtasan ng kanyang mga anak dahil malalakas ang alon kapag masama ang panahon. Kaya’t kinaumagahan ay pumalaot na sya kahit hindi pa sumikat ang araw upang subukang makita ang mga anak kung sila man ay sumilong muna dahil sa sama ng panahon.
Sa kaniyang, pagpalaot, napansin nya ang maliliit na isla sa pagitan ng Isla ng Dumangas at Isla ng Guimaras, na sa alam nya ay walang malilit na isla duon. Nakita nya ang mga nagkalat na bahagi ng bangkang sinakyan ng mga anak na nakalutang sa paligid. Binilang nya ang maliliit na bagong isla at ang bilang ay pito. Umiyak ang amang mangingisda at naisip na nya kung ano ang nangyari. Sa lakas ng alon ay humampas sa mga bato at corales ang bangka at nalunod ang kanyang mga anak at nagkahiwaly ang mga ito. Ang pitong munting isla ay tinawag na Isla delos Siete Pecados o Mga Isla ng Pitong Makasalanan