Nang labingwalo na siya napagkaisahan ng kanyang mga barkada na kumuha sila ng commerce.
“Mabuti ‘yon. Magsama-sama tayo sa isang unibersidad,”
Nang kausapin niya ang ama, tumutol ito.
“Inoobserbahan kita, anak. Hindi mo hilig ang commerce. Palagay ko mechanical engineering ang bagay sa iyo. Tanungin mo ang iyong ina.”
Masama man ang loob, sumangguni pa rin siya sa ina
“Hindi sa kinakampihan ko ang iyong ama, anak. Pero sa tingin ko….engineering nga ang bagay sa iyo. May machine shop tayo…sino ba ang magmamana niyon kundi ikaw?”
Nasunod ang kanyang ama at napilitan siyang tumiwalag sa kanyang barkada. Napag-isa siya sa pag-aaral sa lunsod at ngayong binata na siya, hindi na hinanakit kundi paghihimagsik sa ama ang kanyang nadarama.
“Ayoko nang mag-aral, Inay Tipid, pagtitiis, kahihiyan lamang ang dinaranas ko rito. Bakit ako ginaganoon ni Itay? Gusto ba niya akong pahirapan?”
“Makabubuting matuto kang magtiis. Pagkatapos mo naman ng pag-aaral at magtagumpay ka sa hanapbuhay, magiging magaan sa iyo ang lahat.”
“Totoo iyan, anak…pero paano mo mapauunlad ang ating kabuhayan kung hindi mo alam ang mga hirap sa pagtatayo niyan?”
“Bakit kailangan ko pang magtagumpay? Hindi ba’t ipamamana ninyo sa akin ni Itay ang ating kabuhayan?”
Hindi maintindihan ng binata ang sinabi ng kanyang ina, subalit naisip niyang makapagtitiis pa siya. Isinubsob na lamang niya ang ulo sa pag-aaral.
Nakatapos naman ng inhinyerya ang binata. Hindi siya pangunahin sa klase, ngunit sa pagsusulit sa gobyerno, nakabilang siya sa nangungunang unang dalawampu.