Noong ako ay nasa elementarya pa lamang, may mga taong nangungutya sa akin dahil sa aking panlabas na anyo, kulot ang aking buhok at naka-salamin din ako.
Kung ano-anong pangtutukso ang ginawa nila sa akin. Dahil sa pangyayaring iyon ay naging insecurity ko ito, kaya noon ay lagi nang nakatali ang buhok ko at hindi ko rin masyadong ginagamit ang salamin ko kahit na wala akong masyadong makita.
Dahil nga ako ay sobrang sensitibo dati, lahat ng sinasabi nila ay isinasapuso ko, at dahil dito ay nakalimutan ko na mayroon parin pala akong mga totoong kaibigan at mga taong tanggap ako nang hindi nanghuhusga.
Unti unti ay naging manhid na rin ang aking damdamin kaya hindi ko na pinansin ang mga sinasabi nila. Nang tumagal ay huminto na rin ang pangungutya na ginagawa nila sa akin.
Ilang buwan ang nakalipas hanggang sa gumraduate na rin kami. Natakot ako sa pagtungtong ng highschool dahil wala akong kilala sa klase. Ngunit laking pasasalamat ko na lahat sila ay mabait at hindi na naulit ang nangyari noon.
Hindi man sila humingi ng tawad, sa palagay ko ay nagtagumpay pa rin ako sapagkat natuto akong tumayo sa sarili kong paa at magpahayag ng opinyon nang hindi natatakot, naging ganap din ang aking isipan dahil dito.