Noong unang panahon, sa bayan ng Haryon, ang mag-asawang namumuno dito ay nagkaroon ng isang lalaking anak, at siya’y pinangalanan nilang Maliksi. Mula pa noong sanggol si Maliksi ay nagtataglay na siya ng kakaibang lakas, mabilis niyang nawawasak ang mga bagay-bagay kahit sa paghawak pa lamang niya nito. Bukod sa kanyang lakas ay maaga din siyang natuto ng mga bagay-bagay, kasama na dito ang makipaglaban, na siyang humubog sa lakas na ibiniyaya sa kanya.
Nang maging binata si Maliksi, ang kanyang mga magulang ay pumanaw, kaya naman ay naipasa sa kanya ang pagiging pinuno ng bayan ng Haryon. Mula noong naging pinuno si Maliksi ay walang sinuman ang naglakas-loob na kalabanin siya upang maagaw ang kanyang puwesto ng pagkapinuno, dahil nga’y walang kapantay ang kanyang lakas pagdating sa pakikipaglaban.
Nang isang araw, may dumating na salamangkero sa kanilang bayan, at nagpakilala siya bilang Armano. Sinabi ni Armano na binibisita niya ang lahat ng mga bayan upang basbasan ang mga ito para lapitan ng swerte at maging masagana. Dahil dito, malugod na tinanggap ng lahat si Armano sa kanilang bayan, at binigyan ng matutuluyan.
Makaraan ang ilang araw ay nakatanggap ng ulat si Maliksi tungkol sa pagkalanta ng mga tanim na palay sa kanilang kabukiran. Hindi rin mawari kung ano ang nangyari dito sapagkat walang kahit anong bakas ng ebidensya na nakita sa lugar.
Dahil dito, kinonsulta ni Maliksi si Armano at tinanong kung ano ang nangyari sa kanilang bukid. Sinabi naman ni Armano na nakita daw niya sa kaniyang panaginip na galit na galit si Dumangan, ang diyos ng masaganang ani. Ngunit hindi mawari ni Maliksi kung ano ang dahilan ng pagkagalit nito, kaya’t tinanong na lamang niya si Armano kung ano ang dapat nilang gawin upang mapakalma si Dumangan. Ang sabi ni Armano ay dapat na mag-alay ang lahat ng mamamayan ng kahit anong yaman kay Dumangan.
Ginawa ito ng mga tao, nilagay nila ang kanilang mga alay sa labas ng kani-kanilang bahay, at sa pag-gising nila ay wala na ang mga ito. Dahil dito ay naisip ni Maliksi na kinuha ni Dumangan ang kanilang alay at tinanggap ang kanilang paumanhin, ngunit sabi naman ni Armano ay hindi pa rin nasiyahan si Dumangan dahil galit pa rin daw ito sa kanyang panaginip, kaya naman ay sinabi niyang mag-alay muli ang mga tao.