Tahimik ang tahanan nila Kapitan Tiyago. Malungkot ang lahat sapagkat si Maria Clara ay mayroong sakit.
Tumawag na ng doktor si Kapitan Tiyago. Dumating na ang doktor na si Dr. Tiburcio de Espadaña, ang kanyang may bahay na si Donya Victorina de los Reyes de Espadaña, at isang binata na may kakisigan.
Donya Victorina: Ipinakikilala ko sa inyo ang aming pinsan na si Don Alfonso Linares de Espadaña. Siya'y inaanak ng kamag-anak ni Padre Damaso, at kalihim ng mga ministro sa Espanya.
Ating ilarawan si Donya Victorina, may gulang na 45. Ikinakaila nito ang tunay na edad, bagkus ay sinasabing siya ay 32 taong gulang lamang. Noong kabataan ng Donya ay masasabi rin na maganda ito ngunit pangarap na nito talagang makapangasawa ng isang mayamang dayuhan.
Sa pamamagitan nito, siya ay mapapabilang sa alta-sosyedad at titingalain din ng karamihan. Sa kasamaang palad, napangasawa niya ay isang mahirap pa sa daga na Kastila, si Tiburcio. Sa edad nitong 35, higit pa itong matandang tingnan kaysa kay Donya Victorina.
Ang totoo, dati lang siyang tagalinis at tagapagpa-baga ng mga painitan sa pagamutan ng San Carlos sa Espanya. Ngunit pagdating sa Pilipinas, naging ganap siyang isang doktor dahil na rin sa kamangmangan at tiwala ng mga Indio.