Lakad takbo ang ginawa habang tinitiis ang pagkangangalay ng kamay na bitbit ang konting butil ng bigas at gamot. Nag uumagiting ang kanyang kalamnan habang nakikipag-habulan sa papalubog na araw. Napatiimbagang siya sa galit ng takbo ng panahon.
Kaunting panahon na lamang at hindi na tayo magdaranas ng paglulukot ng tiyan at muling manumbalik ang iyong lakas, Itay.
May bahid ng ngiti ang mga salitang binitawan ng kanyang Kuya Lito isang hapon noon habang kausap nito ang kanilang ama na nakaratay sa kamang yari sa kawayan
Sana nga anak, harinawa naga.
Huwag kayong lalabas, akong bahala.
Isang araw pa bago mag-anihan. Taliwas sa mga pangyayari ay umusbong ang panganib sa kabukiran. Ilang sandali'y narinig nila ang mga yabag ng papalapit na mga paa na aali-aligid sa kanilang kubo. Tumaas ang kilay ng kanyang kuya Lito sabay hablot sa tabak na nakasabit sa may haligi ng dingding.
Pinalayas na kayo ni Don Miguel, tapos na ang inyong palabas
Narinig niya ang mga kasa ng baril habang hinuhugot ng kanyang kuya Lito angmatalim na tabak. Umalingawngaw ang nakatutulig na mga putok, at sinundan ng iba pa. Kitang- kita niya ang kanyang kuya Lito na tila ibong nabalian ng mga bagwis matapos bistayin ng pulbura ay agaw hiningang bumubulusok. Namasdan niya ang dugong umaagos sa katawan ng kaisa-isa niyang kapatid. Ang kirot na nadarama ng kanyang kuya Lito ay dama niyang dumampi sa hapis na katawan ng kanyang murang isipan.
Tatlong araw na ang nakararaan matapos tabunan ng lupang putikan angbangkay ng kanyang kapatid ay hindi pa rin mahugot ang nasa itaas habang silang nasa ibaba ay dumaraing. Ang ama ang tinik sa naglalatang niyang dibdib. Alam niyang humahalakhak niya ay lalong naratay sa sakit bunga ng tinamong kasawian ng kanyang kuya Lito.
Maya-maya'y nakarinig siya ng halinghing na tila ba patungo sa kaibuturan ng kanyang puso. Marahan niyang binuksan ang pinto. Nabigla siya sa kanyang nakita, ang kanyang kawawang ama. Sa halos kawalan ng ulirat, nanginginig ang buong katawan at bumagal ang paghinga. Lumapit siya ng kaunti, kasabay ng pagtulo ng luha sa mata niya at mabilis na umagos sa magkabilang mukha. Pinunasan niya ang kamay ng kanyang ama. Hawakan ng mahigpit ang kanyang palad.